Pamaskong Handog ng mga Batang Tsinoy
- Created on December 16, 2014 12:48 PM
- Last Updated on January 23, 2015 7:55 AM
- January 22, 2015 1:38 PM
Isang matagumpay ang patimpalak na naganap noong ika-16 ng Disyembre 2014 sa awditoryum ng Chiang Kai Shek College. Ito ang malikhaing interpretasyon ng awitin na may temang “Pamaskong Handog ng mga Batang Tsinoy”. Nilahukan ito ng mga mag-aaral sa bawat pangkat ng ikatlong baiting. Nagpamalas ang bawat kalahok ng kani-kanilang husay at galing sa pagpapalutang ng mensahe ng mga awiting pamasko. Naipakita ng bawat presentasyon ang tunay na diwa ng pagdiriwang ng kapaskuhan. Nagpalutang din sa okasyon ang pakikilahok at pakikiisa ng mga magulang ng ilang mag-aaral na naging abala sa paghahanda sa nasabing paligsahan. Tagumpay rin ito ng mga guro sa Filipino sa mababang paaralan na nagbabahagi ng kanilang oras at kakayahan upang maipalabas ang natatanging angking husay at talento ng bawat mag-aaral sa larangan ng sining.
Ang mga nagsipagwagi sa paligsahan ay ang Pangkat B na may awiting “Kampana ng Simbahan” na nakakuha ng ikatlong karangalan, Pangkat G naman ang nasa ikalawang karangalan para sa “Paskong Anong Saya”. Nasungkit naman ng Pangkat D ang unang karangalan sa interpretasyon ng awiting “Kumukuti-kutitap”. Samantalang naitanghal na kampeon ang Pangkat A sa malikhaing pagpapahayag nila ng mensahe sa awiting “Sa Paskong Darating”. Kabilang sa inampalan ang mga kapita-pitagan at mahuhusay na guro ng ating paaralan na sina Gng. Ruth Gabiane-koordineytor sa Filipino sa hayskul, Gng. Luzviminda Sim- Tagapangasiwa sa Tanggapan ng Admisyon at ang punong hurado ay si Gng. Eleanor Tumanan na mula sa Paaralan ng Hizon. Sila ay naging makatarungan at patas sa kanilang itinanghal na nagwagi sa paligsahan. Nagpakitang-gilas din ang mga puno ng palatuntunan na sina Keveen Kence W. Sy Suan, Chun Kit Simon Rodger A. Tan at Pheobe Shantal M. See.
Ang pagdiriwang na ito’y naging matagumpay, hindi lamang ng mga guro, mga mag-aaral at mga magulang kundi ng ating mahal at pinagpipitagang paaralan ang Chiang Kai Shek College!