Kyra Nicole Ang ng CKSC, Kampeon sa Talumpatian!

  • Print

Itinanghal na kampeon si Kyra Nicole Ang, kinatawan ng Chiang Kai Shek College, sa pandibisyong patimpalak na Talumpatian na inilunsad at ginanap sa Colegio de San Juan de Letran noong ika-28 ng Agosto, 2013. Ang patimpalak ay bahagi ng pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa na may temang “Ang Wika Natin ang Daang Matuwid”.

 Nilahukan ng labing-apat na delegado mula sa iba’t ibang pampubliko at pampribadong paaralan ang nasabing paligsahan gaya ng Immaculate Conception Academy of Manila, Malate Catholic School, Manuel L. Quezon University – High School, Mataas na Paaralang Jose Abad Santos, Mataas na Paaralang Raja Soliman Agham at Teknolohiya, Paco Catholic School, Philippine Christian University – Union High School, Pres. Corazon Aquino High School, Baseco Port Area Manila, San Sebastian College – Recoletos, St. Scholastica’s College Manila, The Nazarene Catholic School, Manila High School, Colegio de San Juan de Letran – High School at Chiang Kai Shek College.

Nakamit ng Paco Catholic School ang ikatlong karangalan at nasungkit naman ng Letran ang ikalawang karangalan.

Si Kyra Nicole Ang ay sumailalim sa masusing pagsasanay ni Gng. Ruth Ocampo-Gabiane, guro sa hayskul at siya ring Tagapag-ugnay sa Kagawaran ng Filipino. Naging malaking kontribusyon sa pagkapanalo ng CKSC ang napakagandang pyesang nilikha ni G. Alfred Mendoza, guro sa Filipino. Pinamagatang “Si Manuel Luis Quezon sa Pananaw ng Makabagong Kabataang Pilipino” ang pyesa na siya ring tema ng patimpalak.

Isa lamang ang parangal na ito sa maraming taon ng paglahok at pagtatagumpay ng CKSC sa patimpalak pambigkasan. Tunay na hindi matatawaran ang husay at galing ng mga guro at mag-aaral ng kolehiyong ito hindi lamang sa larangan ng Agham at Matematika kundi pati na rin sa Talumpatian gamit ang wikang Filipino. (Manunulat: Emma Tampus Llenado)